Lunes, Agosto 19, 2013

Andres Bonifacio, a-tapang a-tao


ANDRES BONIFACIO, A-TAPANG A-TAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Umagang-umaga ng Sabado, Agosto 17, 2013, kasagsagan ng ulan, ngunit pinilit kong dumalo sa isang panayam hinggil sa isang tulang pambata kay Bonifacio. Kailangang naroon na ako ng ikasiyam ng umaga sa panayam na "Aputol apaa, hindi atakbo: Si Bonifacio at ang Siste sa Istorya Bilang Kabilang Mukha ng mga Kabayanihan" sa Faura Hall AVR, Pamantasang Ateneo de Manila sa Abenida Katipunan sa Lungsod Quezon.

Ayon sa imbitasyon, ang nasabing panayam ang "una sa apat na lekturang pagpupugay sa Supremo ng Katipunan ng mga makata mula sa Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), sa pakikipagtulungan ng Matanglawin, Opisyal na Pahayagang Pangmag-aaral ng Pamantasang Ateneo de Manila." Kasabay ng aktibidad na iyon ang isa pang aktibidad na nais kong puntahan sa Lopez Museum sa Makati. Ito yung Poetry of the Stars na nagsimula ng ikasampu ng umaga hanggang ikalima ng hapon. Ngunit pinili ko munang dumaan sa Ateneo upang daluhan ang mahalaga ring panayam na hinggil kay Bonifacio.

Sa pamagat pa lang ay alam ko na kung ano ang bibigkasing tula, ngunit nais kong marinig ang ilang mga paliwanag ng tagapagsalita. Narinig ko na ang tulang iyon noong bata pa ako. Ang tagapagsalita ay si Prof. Joselito D. Delos, na isang propesor sa Unibersidad ng Santo Tomas, na siyang itinanghal na Makata ng Taon 2013 ng Talaang Ginto.

Nasa apatnapung katao rin ang dumalo sa pagtitipon. Halos puno ang kabilang bahagi ng salansan ng mga silya dahil na rin mas malapit ito sa pintuan, habang tatlo lamang kami sa kabilang salansan ng mga silya, kaya madali akong nakita ni Prof. Delos Reyes. Ipinakilala siya ni Prof. Louie John Sanchez, na tatlong ulit namang itinanghal bilang Makata ng Taon. Nakahanda naman ang tagapagsalita dahil mayroon siyang powerpoint presentation ng kanyang panayam.

Sa pagtalakay ni Prof. Delos Reyes, binanggit niya ang siste o humor, na siya umanong katangian ng kanyang mga tula, na napapansin ng mga nakababasa nito. Binanggit niya ang ilang teorya hinggil sa humor, tulad ng relief theory, superiority theory, at ang incongruity theory. Naipahayag din niya ang isang rebisyon ng Lupang Hinirang noong bata pa siya'y naririnig niya, ngunit ayon nga sa kanya ay ipinagbabawal ng batas ang pagpapalit ng liriko sa Lupang Hinirang, lalo pa't ito'y humor.

Sa pagtalakay sa humor, binasa niyang halimbawa ang isang kwento ng katatawanan hinggil sa isang liham ng isang OFW (o yaong mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa, partikular sa Middle East), na aniya'y matagal nang nagsisirkulo sa internet. Isa iyong liham ng anak hinggil sa kabaong ng ina na ipinadala sa Pilipinas. Hindi na nakasama ang anak, kundi nag-iwan na lamang ng habilin. Ang habilin, nasa loob ng kabaong ang mga pasalubong ng anak sa mga kamag-anak. Malungkot kung tutuusin ngunit ginawang katatawanan dahil nasa kabaong ang mga pasalubong na inisa-isang sinabi kung kanino ibibigay.

Hanggang sa dumako na kami sa mismong tula kay Bonifacio, kung paano ba ito nagawa, at nakagisnan na ito ng marami. Ito ba'y humor dahil tulang pambata at nakakatuwa? Narito ang tula:

Andres Bonifacio
A-tapang, a-tao
A-putol a-kamay
Hindi a-takbo
A-putol a-paa
HIndi a-takbo
A-pugot a-ulo
Hindi a-takbo
A-putol a-uten
A-takbo a-tulin

Ginamit sa paraan ng pagtula ang estilong pambata, pautal-utal. Halos wala rin umano sa lohika ang tula, dahil tiyak na pag pinutol ang paa, hindi talaga makakatakbo si Bonifacio, maliban na lamang kung may artipisyal siyang paa. Pag napugot na ang ulo, tiyak hindi na makakatakbo dahil patay na, maliban kung tulad ito ng manok na pag biglang pinutol ang ulo habang nakatayo pa ito ay nakakatakbo pa. Inilarawan lang sa naunang walong taludtod kung gaano katapang si Bonifacio na anuman ang maputol sa bahagi ng kanyang katawan, maliban sa uten ay hindi siya tatakbo. Ang siste ay nasa huling dalawang taludtod, pag uten na ang mapuputol, tatakbo na siya, dahil mawawala na ang simbolo ng kanyang pagkalalaki.

May ilang bersyon umano sa ibang lugar, tulad ng Pangasinan at Bulacan, ayon pa sa tagapagsalita. Ngunit imbes na "A-putol a-uten" ay "A-piga a-kalamansi" ang ipinalit doon.

Ganito ang bersyon:
Andres Bonifacio
A-tapang, a-tao
A-putol a-kamay
Hindi a-takbo
A-putol a-paa
HIndi a-takbo
A-pugot a-ulo
Hindi a-takbo
A-piga a-kalamansi
A-takbo a-tulin

Ayon pa kay Prof. Delos Reyes, hindi naman magkatugma ang "a-kalamansi" at "a-tulin", di gaya ng "a-uten" at "a-tulin".  Hindi ko lang nasabi na kung sa Batangas iyon naitula, na lalawigan ng tatay ko, imbes na kalamansi ay kalamunding ang masasabi doon, dahil magkatugma ang kalamunding at tulin. Kaya magiging ganito ang kalalabasan:

Bersyong Batangenyo:
Andres Bonifacio
A-tapang, a-tao
A-putol a-kamay
Hindi a-takbo
A-putol a-paa
HIndi a-takbo
A-pugot a-ulo
Hindi a-takbo
A-piga a-kalamunding
A-takbo a-tulin

Naisip ko tuloy na parang mali at hindi akma ang "a-piga kalamansi" kundi ipinilit lamang bilang kapalit ng "a-putol a-uten". Bukod pa roon, ginawang duwag si Bonifacio dito na tumakbo dahil pipigaan ng kalamansi. Hindi siya tulad ng matapang na si Don Juan na nagnais na mabitag ang Ibong Adarna na ang awit ay magpapagaling sa kanyang amang maysakit. Kailangan niyang hiwaan ng pitong ulit ang kanyang bisig at pigaan ito ng kalamansi o dayap ng pitong ulit din, dahil sa pitong awit ng Ibong Adarna na nakapagpapatulog. Mas kauna-unawa pa na tatakbo si Ka Andres kung "a-putol a-uten" dahil ito'y personal at hindi pulitikal. Di gaya ng "a-putol a-kamay" at "a-putol a-paa, hindi a-takbo" na marahil ay sa isang pulitikal na sitwasyon lamang maaaring mangyari, haharapin niya iyon ng walang takot, kahit maging kapalit noon ay ang kanyang buhay. Ibig sabihin, nababatay ang tapang sa mga pulitikal na sitwasyon at desisyon dahil kailangan ng lakas ng loob at tamang pagpapasya sa harap ng kaaway, at hindi sa masyadong personal na bagay tulad ng u-ten.

Binanggit din ng tagapagsalita ang ilang rebulto sa Valenzuela, tulad ng rebulto nina Captain Tiburcio de Leon at Delfin Velilla. HIndi malaman ang kwento ni Velilla, habang sa isang litrato naman ay General na ang ranggo ni De Leon, na ang ibig sabihin ay walang tiyak ang kwentong pangkasaysayan ng mga ito. Na parang pagbalewala rin sa mga bayani na hindi maikwento ang kanilang mga naiambag, na parang hindi naman talaga sila naging tao noon kundi imbensyon lamang, na siyang kinahulugang bangin ng mga taong nabanggit dahil hindi sila naitala sa kasaysayan, at kung naitala man ay tila nabaon na sa limot.

Pagkatapos ng kanyang panayam, may ilang mga nagtanong. May nagtanong hinggil sa nirebisang Lupang Hinirang. May isang nagsabing narinig niya kay Anjo Yllana sa palabas noon sa telebisyon na Palibhasa Lalaki, na pinagbidahan noon nina Richard Gomez at Joey Marquez ang tula hinggil kay Bonifacio. Ngunit bandang 1993-1994 lang ang palabas na iyon kaya mas matagal pa ang nabanggit na tula kaysa Palibhasa Lalaki.

Nang wala nang nagtatanong, tinawag ako ng tagapagsalita, at ipinakilala sa mga naroroon. Magkakilala kasi kami noong nasa kolehiyo pa. Nasa publikasyong pangkampus ako bilang manunulat ng aming pamantasan habang siya naman, sa pagkakatanda ko, ay nasa publikasyon din ng kanilang pamantasan. Pareho naming kaibigan si Benjo Basas, na isang makata at guro at muntik nang maging kongresista bilang unang nominado ng Ating Guro Party List.

Wala akong maitanong, kaya nagbigay na lamang ako ng opinyon. Sinabi ko sa mga naroroon na marahil ay isang propaganda ang tulang pambatang iyon upang ibaba ang katauhan ni Bonifacio. May mga ganoon akong napansin noon pa man. Marahil, ikako, na ginawa ang tula sa paraang pambata habang ginagawa siyang katatawanan. Sinabi ko sa talakayang iyon na ang tulang iyon kay Bonifacio ay maaaring propaganda ng mga nagnanais na mabura siya sa kasaysayan. Mabuti na lamang at may Senador Lope K. Santos na nagsulat ng panukala upang ideklara ang Nobyembre 30 ng bawat taon bilang Araw ni Bonifacio, at naisabatas iyon bilang Batas Lehislatura ng Pilipinas Blg. 2946 (Philippine Legislature Act No. 2946). 

Dagdag pa, sa isang panayam na dinaluhan ko sa Unibersidad ng Pilipinas, na inilunsad ng UP Likas nitong Enero 18, 2013, na isa sa tagapagsalita ay ang retiradong propesor na si Milagros Guerrero, na siyang may-akda ng isang mahabang sanaysay na pinamagatang "Bonifacio: Unang Pangulo". Ang dalawa pang tagapagsalita ay si Dr. Zeus Salazar at national artist Virgilio Almario. Tinanong si Peof. Guerrero ng isang tagapakinig kung ano na ang ginawa ng mga kamag-anak ni Bonifacio nang siya'y pinaslang, kasama ang kanyang kapatid na si Procopio noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis. Ang sagot lang ni Prof. Guerrero ay "wala!" Natakot na raw ang mga kamag-anakan ni Bonifacio na lumantad dahil baka sila ay patayin din. Kahit si Atty. Gary Bonifacio, na hindi pa abogado noon nang makasama ko sa seremonyal ng paglilibing kay Gat Andres Bonifacio sa Kuweba ng Pamitinan sa Montalban, Rizal noong Mayo 10, 1997, ay nagsabing mabuti raw ngayon ang nakalalantad na silang mga Bonifacio.

Sa aking pananaw, ang nasabing tula kay Bonifacio ay hindi simpleng patawa, kundi pang-uuyam. Na ang layunin ay huwag siyang kilalaning bayani. Sirain ang kanyang pagkatao sa paraang nakatutok sa di-malay (unconscious mind) na bahagi ng isip ng tao, na ang epekto'y ipagwalangbahala ng bayan si Bonifacio.

Kitang-kita ang ganitong propaganda sa pelikulang Rizal sa direksyon ni Marilou Diaz-Abaya at pinagbibidahan ni Cesar Montano. Napakababa ng pagkatao ni Bonifacio doon, utal magsalita at parang batang di pa gaanong nakababasa, na pag nakita si Rizal ay sasabihing idolo niya si Rizal sa paraang hindi akma sa isang Supremo ng Katipunan. Parang ginamit na estilo sa pagsasalita ni Bonifacio sa pelikula ang pautal na pagbigkas ng tulang "a-tapang a-tao". Tila nabiktima ang direktor ng pelikula ng tula kay Bonifacio kaya ang paraang iyon ang ginamit niya sa diyalogo ni Gardo Versoza na gumanap bilang si Bonifacio.

Pagkatapos ng aktibidad na iyon ay nilapitan ko si Prof. delos Reyes, kinamayan siya, nagpasalamat, at ako na'y nagpaalam. Nais ko pa sanang puntahan ang isa pang mahalagang aktibidad sa Lopez Museum ngunit dahil sa ulan at hampas ng hangin ay napilitan akong umuwi na lamang, bukod sa malayo pa ang biyahe at di ko na iyon naumpisahan. Maganda sanang puntahan iyon dahil may paksang "The Astrological Charts of Bonifacio, Rizal at Aguinaldo" sa ganap na ika-3:30 ng hapon, na siyang pangwalo at huling paksa, ngunit di ko na pinuntahan dahil hindi ko nadaluhan ang kalahating araw at tiyak mahuhuli ako ng dating sa hapon dahil sa malakas na ulan.

HIndi nawaglit sa aking isipan ang panayam na iyon. Bakit may ganoong siste, patawa o pang-uuyam sa isang kinikilalang bayani? Problema ba iyon ng manunulat o makata, o sinadya dahil sa usaping propaganda, at di lang simpleng magpatawa? Paano nga ba isinusulat ang mga siste, kung hindi man sa tula, ay sa kwento?

 May binanggit hinggil dito ang manununulat na si Reynaldo A. Duque, dating punong-patnugot ng magasing Liwayway, hinggil sa akdang katatawanan sa kanyang aklat na "Gabay sa Pagsulat ng Maikling Kwento", p. 90: "Sa unang uri ng kwento, kadalasan ay pilit na gumagawa ng paraan ang kwentista upang makapagpatawa lamang sa mambabasa. At madalas, dahil sa pinipilit magpatawa, ay nagmemekaniko na siya. Tuloy, magiging mais (corny) ang mga siste. Gagamit na siya ng mga toilet humor. Ang hindi pa kanais-nais dito, pati ang mga kapintasan ng tao ay kinakasangkapan para makapagpatawa lamang. Ginagawang katawa-tawa si Vicente dahil bingi, si Doring dahil duling, si Kulas dahil pingas (ang tainga), si Kikay dahil Pilay, si Bestre dahil pipi, at marami pang iba. Gusto niyang magpatawa dahil si Baltas ay may-sayad (sintu-sinto), dahil si Ditas ay nadupilas, o dahil si Engot ay nahulog sa imburnal." Isa na sa mga kwentong ito ang Vicenteng Bingi ni Jose Villa Panganiban. Gayunman, ito'y hinggil sa kwento at hindi sa tula, dahil magkaiba naman ang istruktura ng bawat isa. Nagkakapareho lamang ito sa intensyon ng mangangatha kung bakit niya isinusulat ang isang kwento o isang tula.

Pag matamang sinuri ang tula kay Bonifacio, hindi simpleng siste ang nakita ko. Kundi mas malalim pa roon. Maaari ngang maiklasipika ang tulang iyon bilang tulang pang-uuyam, hindi lamang tulang nagpapatawa. Bagamat sa biglang tingin o biglang dinig ay may intensyong magpatawa, ngunit sa likuran ay ang layuning libakin ang Supremo ng Katipunan upang hindi tularan ng iba ang kanyang halimbawa - ang pagtahak sa madugong himagsikan para mapalayas ang mananakop, hindi gaya ni Rizal na mas reporma ang nais kaysa daanin sa dahas ang pagbabago kung saan maraming mga kababayan natin ang magbububo ng dugo para mapalaya ang bayan, mabago ang sistema, at maitayo ang isang lipunang walang pagsasamantala.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento